Kabisaan ng Online Learning Modality sa Pagtuturo ng Filipino Tungo sa Makalidad na Pagkatuto: Antas Tersyarya
DOI:
https://doi.org/10.5281/zenodo.20199626Keywords:
Online Distance Learning Modality, Pagtuturo, Filipino, Makalidad na PagkatutoAbstract
Nilayon ng pag-aaral na ito na mabatid at masuri ang mga naging bunga ng Online Distance Learning Modality (ODLM) sa pagtuturo at pag-aaral ng mga nagmemedyor ng Filipino sa Central Bicol State University of Agriculture, Pili, Camarines Sur. Sa pamamagitan ng deskriptibong pamamaraan at paggamit ng magkahalong kwantitatibo at kwalitatibong pagsusuri, binigyang-tuon ng pananaliksik ang profayl ng mga respondente, ang antas ng kanilang katanggapan sa iba't ibang online platforms, at ang pangkalahatang kabisaan nito sa kanilang akademikong pagganap. Lumitaw sa resulta na ang mga respondente ay binubuo ng mga mag-aaral na nagpapakadalubhasa sa Filipino, kung saan ang mas malaking bilang ay nagmula sa ikalawang antas na kumukuha ng asignaturang Barayti at Baryasyon ng Wika, kasunod ang mga nasa ikatlong antas na nag-aaral ng Kulturang Pilipino. Natuklasan sa pag-aaral na positibo ang pagtanggap ng mga mag-aaral sa ODLM, at naging malinaw ang kanilang higit na pagkiling sa synchronous learning dahil sa pagkakataong direktang makipag-ugnayan sa guro at makakuha ng mabilis na feedback sa kanilang performance. Sa kabilang dako, ang asynchronous at blended learning ay nakaranas ng hamon dahil sa mga usapin sa disiplina sa sarili, paiba-ibang set-up, at karagdagang gastusin sa transportasyon. Napatunayan ang pangkalahatang Mean Percentage Grade (MPG) na mabisa ang paggamit ng online modality sa pagtuturo ng Filipino, na nagpapakita na ang makalidad na pagkatuto ay posible pa ring makamit sa kabila ng mga limitasyong dulot ng pandemya. Batay sa mga natuklasang ito, iminumungkahi ang patuloy na pagpapaunlad sa mga estratehiya ng pagtuturo at ang pagsasagawa ng mga interbensyon o proyektong panlunas na nakatuon sa mga Least Learned Competencies upang higit pang maiangat ang antas ng akademikong kasanayan ng mga mag-aaral sa ilalim ng bagong normal na sistema ng edukasyon.
Downloads
Published
Issue
Section
License
Copyright (c) 2026 Aloysian Interdisciplinary Journal of Social Sciences, Education, and Allied Fields

This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial 4.0 International License.