Pagsusuri sa Kababaihan sa Nobelang “Pusod” ni Domingo Landicho gamit ang Feminist Poststructuralism at Theory of Violence
Keywords:
Patriarkal na Lipunan, Hegemonyang Pangkalalakihan, Diskurso sa Kasarian, Ideolohiya ng Patriarka, Politika sa Panitikan, Diskursong Normalisado, Ambag sa Panitikang FilipinoAbstract
Ang papel na ito ay naglalayong ilapat ang Feminist Poststructuralism ni Wooldridge at Galtung’s Theory of Violence sa nobelang “Pusod” ni Domingo Landicho. Karamihan sa kanyang mga likha ay tumatalakay sa politika, payak na pamumuhay at nakakahon sa ideolohiya ng patriarka, gayunpaman, pinaniniwalaang may guwang sa kanyang mga likha na nagsilbing daluyan ng mga resistant na espasyo para sa babae kung kaya’t sinuri ang nobela at binibigyang-diin ang mga hamon at karanasan ng mga kababaihan, na madalas na biktima ng karahasan, sa konteksto ng patriarkal na lipunan. Ang “Pusod” ay isinulat ni Landicho taong 2010. Isang nobelang humahamon sa damdamin at imahinasyon at tumatalakay sa metapora, simbolismo, pantasya at realismo at mahika. Sinuri rito ang mga usaping hinaharap ng kababaihan sa akda na naglalapit sa kababaihan sa karahasan. Inilarawan ang mga katangian ng kababaihan sa akda gamit ang mga pahayag upang matukoy ang mga diskursong may hegemonyang pangkalalakihan at ang kapangyarihang kumokontrol dito upang sa gayon ay mas masuri ang kasariang kababaihan sa nobela. Nilalayon din ng papel na ito na ipakita ang kahalagahan ng pag-unawa sa mga diskursong nakapaloob sa mga akda na tila normal at tanggap. Sa pamamagitan ng pagsusuri na ito, binibigyang-pugay ang mga ambag ni Domingo Landicho sa panitikan at ang kanyang natatanging estilo sa paglalarawan ng kalikasan at kababaihan.